hindi akalain ni gela na magkakatabi sila ngayong araw. sinisiguro niya kasi na nakakadistansya siya tuwing klase, ayaw na niyang makihalubilo muli sa kanila, matagal na panahon na nang huli silang nag usap. ngunit hindi yata naaayon sa kanya ang panahon, dahil ang nakaupo sa kanyang kanan ay ang taong kailanman ay hindi na niya pinaplano pang kausaping muli. mayroong pinapagawa sa kanila ang kanilang propesor, at ito ay umabot sa dalawang pahina ng papel, at karamihan sa klase ay walang stapler. buti na lamang at ang kanilang propesor ay may dala dalang stapler. iniabot ng kanilang propesor ang stapler at sinimulan nang ipasa sa mga kaklase. hindi iyon napansin ni gela dahil siya ay nagkukumahog sa pagsulat. isip niya, bahala na. kung wala, edi titiklupin niya na lang ang kaliwang gilid ng dalawang papel, o di kaya'y isusulat niya ang pangalan niya sa parehong papel. hindi siya nagaatubiling magtanong sa kanyang mga kaklase, basta ginagawa niya lang kung ano ang utos ng propesor. sabay narinig niya ang pangalan niya sa kanyang kanan. matagal na nang narinig niya ang pangalan niya sa klase na hindi ang propesor ang tumatawag sa kanya. si miko. iniabot sa kanya ni miko ang stapler. kinuha iyon ni gela ng tahimik at nang matapos na siya ay pinasa na niya sa kaklase niya na nasa kaliwa. habang nagsusulat ay hindi matanggal sa isip ni gela ang boses ni miko. napakatagal na nang huli niyang narinig iyon. hindi niya na nga matandaan kung kailan, ang alam niya lang matagal na. hindi siya makapaniwala na kahit na isang silya lang silang magkalayo ay parang sobrang layo na nila sa isa't isa. na ang dating kasa-kasama niya sa kung saan ay hindi na niya gaanong kilala ngayon. naisip ni gela, sila pa kaya nung nobya niya? parehas pa rin kaya kami ng order sa starbucks? kamusta na kaya yung kapatid niya? tandang tanda pa ni gela noong una silang magkakilala ni miko. inis na inis siya sa pagkatahimik ni miko. walang maitulong kapag usapan sa mga proyekto. pero nang makita na niya sa personal ay nalaman niyang matino naman pala itong kausap at matulungin. naging malapit sila sa isa't-isa at ang nakakatawa pa nga'y nang dahil din sa stapler ang kanilang unang paguusap. naghahanap si gela ng stapler, inis na inis na siya noon dahil walang maitulong ang iba niyang mga kasama. at ito namang si miko ang nagprisinta, dahil siya lang ang may dala. iniabot ito ni miko sa kanya ng may kasamang papel na nakasulat, "ito na yung stapler. wag ka nang sumimangot, idol." natawa na lang si gela. hanggang ngayon nakatago pa rin sa kanya ang papel na iyon. nakakatuwang isipin na ang silbi ng stapler ay pagkabitin ang dalawang bagay upang hindi ito magkahiwalay. pinagkabit sina gela at miko. ngunit hindi matibay ang ginamit nila na stapler. matapos ang isang taon, madali itong nabaklas. parehas nilang hindi maintindihan kung ano ang nangyari, pero hinayaan na lang nila. nagkahiwalay sila na parehong may butas - ng hinanakit. at kailanma'y hindi na sila nagplano pang magkadikit muli. ngunit may mga pagkakataon, tulad ngayon, na ipinamumukha sa kanila kung gaano kaliit ang mundo. at kahit na anong mangyari, mayroon at mayroon pa ring mga paraan para ang dalawang bagay ay pagdikitin muli.